Paano nahahawa ng beke?
Ang beke ay nahahawa sa pamamagitan ng mga likido ng taong may beke gaya ng laway, plema, at lura. Ang mga ito ay maaaring matangay ng hangin bilang mga droplet. Kapag ang mga ito'y dumikit o dumapo sa bibig, ilong, o mata ng isang tao, siya'y maaaring mahawa ng beke. Sa pagsalo-salo ng pagkain at pakikipaghalikan ay maaari ring mahawa ng beke.Ano ang mga sintomas ng beke?
Pamamaga ng mga glandula ng laway o salivary glands ang pinakamahalagang sintomas ng beke. Ito'y makikita bilang pamamaga sa tagiliran ng panga at maaaring may kasamang pamumula, kirot, at pananakit habang ngumunguya o kumakain. Maaaring magkabila o sa iisang banda lamang maka-apekto ang beke.Maaari ring magkaroon ng lagnat at sakit sa ulo. Sa ibang kaso maaari ring mamaga ang bayag (orchitis). Ito'y nangyayari lalo na sa mga binata at mas matandang kalalakihan.
Ano ang gamot sa beke?
Walang gamot sa beke, gaya ng maraming mga virus, ito'y kusang nawawala. Ngunit upang maibsan ang mga sintomas, maaaring magpatong ng "cold compress" sa apektadong bahagi ng panga. Maaari ring uminom ng mga pain reliever gaya ng Paracetamol.Iwasan ding kumain o uminom ng maaasim sapagkat ang mga ito'y nakaka-irita sa salivary glands na siyang namamaga dahil sa beke.
Magpatingin sa doktor kung may kakaibang mga sintomas gaya ng pamamaga ng bayag, paninigas ng leeg, pagbabago sa pag-iisip, pagiging madalas ng pagtulog o panghihina, mataas na lagnat. Ang mga ito ay kabilang sa mga kompliasyon ng beke.