ANG mga Pilipino ay moreno kaya medyo maitim ang ating balat. Ang ibig sabihin ay medyo marami ang Melanin pigment sa ating balat. Ang melanin ay nagpo-protekta ng balat laban sa masamang ultraviolet radiation (UV-light) ng araw. Kapag lagi kang nasa araw, dadami ang inyong melanin.
Usong-uso ngayon ang mga paraan na pampaputi. Pero ano ba talaga ang tunay at napatunayan na ng siyensiya? Ito ang aking mapapayo:
Gumamit ng Sunblock – Kung gusto ninyong pumuti, kailangan umiwas talaga sa araw. Huwag lumabas mula 10 a.m. hanggang 4 p.m. Gumamit ng sunblock na may SPF 30 pataas at may proteksyon sa UV-A at UV-B. Ipahid sa mukha, leeg at kamay.
Magtago sa araw – Nagtataka ba kayo kung bakit ma puti at makinis ang ating puwit? Lagi kasing nakatago sa araw at polusyon. Huwag mag-beach, mag-motorsiklo o mag-bike. Magdala ng payong, magsuot ng sombrero, mag salamin at mag-long sleeves at pants.
Puwede ang whitening cream – Ang mga subok na sangkap na pampaputi ay ang Hydroquinone 2% at Tre-tinoin 0.1%. Hanapin ito.
Puwede sumubok ng glutathione – Ang glutathione ay isang gamot na pinag-aaralan pa kung epektibo sa kanser o hindi. Posibleng nagpapaputi rin ito. Pero ayon kay Dr. Francisca Roa ng Philippine Society of Dermatology, kailangang siguraduhin ng publiko (1) na tama ang dosis na glutathione, at (2) walang diprensiya ang iyong atay. Mayroon mga pasyente na naninilaw (jaundice) sa pag-inom nito. Kumunsulta muna sa dermatologist bago sumubok nito.
Kalamansi o lemon para sa Age Spots – May mga tinatawag na age spots (pantal na maitim sa balat) na luma labas kapag tayo’y nagkakaedad. Puwede itong pahiran ng kalamansi o lemon juice araw-araw. Mag-ingat lang na huwag sosobra at baka masira ang ating balat (acidic kasi ito). Kailangan maghintay ng 2 buwan bago makita ang epekto nito.
Tandaan: Bawal ang 3K – Bawal ang kamot, kalkal at kuskos. Kahit anong mantsa o pamumula sa balat, huwag na huwag kakamutin dahil magsusugat iyan. Kahit gaano kakati, tiisin lang. Huwag ding kukuskusin ang maiitim na balat, dahil lalo lang ito iitim. Good luck!